AN OPEN LETTER TO BAGUIO CITY CONGRESSMAN BERNARDO VERGARA AND MAYOR MAURICIO DOMOGAN: STOP SUPPRESSING FREEDOM AND DEMOCRACY I


AN OPEN LETTER TO BAGUIO CITY CONGRESSMAN BERNARDO VERGARA AND MAYOR MAURICIO DOMOGAN:  STOP SUPPRESSING FREEDOM AND DEMOCRACY IN BAGUIO!?

Vergara and Domogan pikon - talo!?
Ako po ay isang ordinaryong mamamayan lang po ng Baguio na may Facebook account, kung saan malaya ko pong naipapahayag ang aking mga damdamin, kaisipan at opinyon ukol sa mga kaganapan dito sa ating lungsod.

Labis po akong nalulungkot sa kinahinatnan ng Baguio magbuhat po sa Baguio na aking kinagisnan.  Sa aking palagay ay nawala na ang isang munti ngunit napakaganda nating lungsod.  At ito po ay dahil sa walang tigil na pag-develop at pag-modernize sa Baguio, magbuhat po nung umpisang magsilbi sa lungsod si Apo Congressman Vergara at Mayor Domogan.  Iyan po ang aking personal na pananaw. 

Nung sila po ay umupo, nagsimula pong mabenta ang mga lupain dito, naitayo ang mga di mabilang na subdivisions, umusbong ang libo libong iskwaters, naputol ang mga kahoy at nasemento ang bawat available na lupa upang gawing moderno daw at ma-'beautification' ang ating lungsod.

Ito po, sa aking palagay, ang vision at mission ni Vergara at Domogan.  Lalong lalo na po si Apo Vergara na mahilig magtayo ng kung ano ano na sa paningin ko ay hindi naman po kailangan sa ating lungsod - overpass, flyover, underpass, circumferential road, pagsemento-pagsira-pagsemento ulit sa mga kalsada at iba pa. Sa akin pong opinyon ay mga sources lang po ito ng korapsyon.  

Sa aking Facebook ay naipapahayag ko po ang aking mumunting obserbasyon ukol po sa mga ito at pati na rin ang patungkol sa ibang public servants at mga issues sa Baguio.  Nababasa po ito ng aking mga kaibigan sa Facebook kung saan malaya din po silang nakakapag komento.  May mga sang-ayon po sa akin at may mga hindi rin naman po sang-ayon.  Ngunit hindi po kami nag aaway at nirerespeto po namin ang mga SARILING PANANAW ng isa't isa.

Si Apo Congressman Vergara ay malimit ko pong banggitin sa aking Facebook, dahil nga po hindi ako sang ayon sa marami po niyang projects bagama't hindi naman po lahat.  

20 years na po silang nasa kapangyarihan ni Domogan sa Baguio kaya alam naman po siguro nila na ang mga kritisismo ay bahagi ng pagsisilbi sa bayan.  Meron at meron pong mga hindi nasisiyahan sa kanilang mga trabaho bilang empleyado po ng gobyerno.  Bahagi po ito ng kanilang paninilbihan sa mga taong bumoto sa kanila at sa publiko.

Kaya't ako po ay nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay tila balat sibuyas pa rin sila lalo na po si Cong. Vergara sa mga kritiko na di po umaayon sa kanya at sa kanyang mga 'projects'.  Malimit po akong isumbong sa administrasyon ng Facebook kapag ako po ay may mga sinabing hindi po pabor kay Vergara at Domogan, at ako po ay nasu suspinde at hindi na maaring makapagsulat sa aking sarili pong Facebook ng ilang araw.

Ito po ay malinaw na pagkitil sa malayang pamamahayag hindi po ba!?  Nasaan na po ang freedom of expression at free speech sa ating lungsod kung ultimong personal na Facebook kung saan dapat nating masabi ang ating mga PERSONAL na saloobin ay ipagbabawal pa!?

Ako po ay isa lang sa iilan (wala pa ho sigurong sampu sa amin) na masugid na kritiko ng ating mga pulitiko at ng mga kasalukuyang nagaganap sa ating lungsod. 

Hindi po ako binabayaran at inuutusan ng kahit sino dahil mayroon po akong sariling isip at paninindigan.

Isa lang po ako kumpara sa daan daan libong bumoto kay Vergara at Domogan, kaya sana naman po ay huwag akong katakutan ni Apo Vergara sampu ng kanyang mga tauhan, na mapanira sa kanyang pagiging Congressman at ni Domogan bilang mayor.  Ano naman po ang kapangyarihan namin kumpara sa kapangyarihan po ninyo?  Kaya wala po kayong dapat ikabahala sa amin.

Nakikiusap po ako na itigil na po sana ng mga taong makapangyarihan ang pagkitil sa malayang pamamahayag dito po sa Baguio.  

Marami pong nagmamahal sa inyo at hindi naman po siguro isang napakalaking kasalanan kung may isa o dalawa, tatlo, apat na hindi po natutuwa sa inyong mga gawain.  Hindi naman po ako sa news lumalabas kung saan maraming nakakarinig at nakakabasa, kami po ay nagpapalitan lang po ng kuro kuro sa Facebook.  Masama po ba iyon?

Ang ibig niyo po bang sabihin ay PURO PAPURI lang po sa inyo ang gusto niyong mabasa at marinig?  Hindi po ba diktadura at wala ng demokrasya at kalayaan dito sa Baguio pag ganun po ang nais niyo? 
Huwag naman po sana kayong pikon, dalawang dekada na po kayo sa mga upuan ninyo at marami pa ho siguro kayong gustong gawin para sa lungsod natin, maano naman pong may limang tao diyan na hindi po sang ayon sa inyo?  Apektado po ba ang inyong career dahil sa limang ito?  

Pakiusap po sa inyo at  sa inyong mga alipores sa Facebook na bigyan naman po kami ng isang napakaliit na espasyo para sa amin pong personal na paghayag ng aming damdamin at saloobin.  

Sa akin pong pagkakaalam ay isang malaya pong lungsod ang Baguio at dito ay may demokrasya, huwag po sana ninyong diktahan ang mga tao ng kanilang gustong isipin at sabihin.  Tanggapin niyo po sana ng maayos ang mga kritisismo patungkol sa inyo, maging sport naman po tayo.

Maraming salamat at more power po sa inyo!

Grace Bandoy (karaniwang tao, ordinaryong mamamayan)

Post a Comment

0 Comments