Bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa Laguna, umakyat na sa 7

BAE, Laguna, Marso 24 (PIA) – Mayroon nang kabuuang pitong kaso sa Lalawigan ng Laguna dahil sa tatlong bagong positibong kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Sta. Rosa na inanunsyo ngayong umaga.
 
Inilathala ng Lungsod ng Sta. Rosa sa kanilang official Facebook page ang anunsyo na mayroong karagdagang tatlong positibong kaso ng Coronovirus Disease o COVID-19 sa lokalidad.
 
Ayon sa pahayag, lumabas ang resulta ng test nang tatlong pasyente kahapon, Marso 23, 2020.
 
Ang ikaapat na pasyente o SR P-4 ay isang 63 taong gulang na lalaking resident sa isang subdivision sa Barangay Labas na-admit sa Qualimed.
 
Siya aniya ay naghahanap-buhay at tumitigil sa Metro Manila ngunit nagdesisyon na manatili sa lungsod kasama ng kanyang pamilya bago pa man nag-lockdown sa National Capital Region (NCR) noong nakaraang Marso 15.

Si SR P-4 ay namatay at na-cremate Marso 23, 2020 bago pa man lumabas ang resulta ng test nang parehong araw.
 
Samantala, ang ikalimang pasyente o SR P-5 ay 55-taong gulang na lalaking residente naman ng isang subdivision sa Barangay Tagapo at kasalukuyang binibigyang lunas sa Perpetual help Medical Center Biñan.
 
Ang ikaanim na pasyente o SR P-6 naman ay isang 40-taong gulang na babae mula sa isang subdivision sa Barangay Market Area at pinangangalagaan sa Medical City South Luzon.
 
Si SR P-6 naman ay nagtra-trabaho sa isang cruise ship na dumaong noong huling lingo ng Pebrero ngayong taon.
 
Ang dalawa pasyente ay kapwa nakumpirmang positibo sa test na lumabas rin kahapon, Marso 23, 2020 ayon sa pamahalaang lungsod.
 
Bago pa man ianunsyo ang mga nagpositibong kaso, ipinabatid na aniya ito ng pamahalaang lungsod sa kanilang pamilya at sinigurong maisagawa ang safety measures sa kanilang mga tahanan habang sila ay sumasailalim sa quarantine.
 
Nagsagawa na rin ng disinfection sa mga lugar kung saan naninirahan ang nasabing mga pasyente.
 
Ayon sa pahayag ng pamahalaang lungsod, lahat nang mga natukoy nang close contact o nakasalamuha ng mga pasyente ay sumasailalim na ngayon sa home quarantine at mahigpit na mino-monitor.
 
Patuloy pa rin at higit pang pinaiigting ng lungsod ang mga hakbang upang mapangalagaan ang mga nasasakupan nito at mapigilan ang pagkalat ng naturang sakit. (Joy Gabrido)
 
 



source https://pia.gov.ph/news/articles/1036996

Post a Comment

0 Comments