Tagalog News: Brgy. Bayanan, namahagi ng food packs

Nagtulong ang dalawang kagawad ng Brgy. Bayanan 2 sa pag-repack ng bigas na ipamamahagi sa kanilang mga ka-barangay bilang ayuda at pagsunod sa utos ng Pangulo dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon. (Dennis Nebrejo/PIAMimaropa)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Mar. 23 (PIA) -- Nagtulong-tulong ang mga barangay opisyales ng Bayanan 2 sa lungsod na ito sa pagre-repack ng mga delata, kape, bigas at iba pa upang ipamahagi sa mga ka-barangay na itinuturing na 'indigent' o yung mga kapos palad na kanilang ipamamahagi bunsod sa pinaiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong bansa na ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 17.

Pinangunahan ni Brgy. Chairperson Maria Virginia A. Garcia, mga kagawad at BPATs ang nasabing gawain na kanilang ipamamahagi sa 759 na pamilya sakop ng barangay na hindi makalabas ng bahay dahil sa banta ng COVID19.

Ayon kay Garcia, "naka pangalap kami ng P43,400 mula sa aming calamity fund na siya naming ipinamili ng mga kahon-kahon na delata, kape, noodles at iba pa gayundin ang aming pasasalamat sa isa naming ka-barangay na may-ari ng gilingan ng bigas na nag ambag ng apat na kaban."

Dagdag pa ng Kapitana, maliit pa ang nakuha nilang calamity fund ngunit may ilan sa mga kababayan ang nagparamdam ng tulong sa kanila.

Samantala, nagpauna muna silang mamahagi sa 240 pamilya at agad nilang isusunod ang nalalabi pang 519 sakaling makumpleto na nila ang pondong kailangan upang ipamili ng mga relief goods. Isa lamang aniya ang kanilang barangay na kabilang sa 62 barangay sa lungsod na sumusunod sa ipinaguutos ng Pangulo at ng DILG. (DPCN/PIA-OrMin)



source https://pia.gov.ph/news/articles/1036748

Post a Comment

0 Comments