BAE, Laguna, Marso 27 (PIA) – May kabuuang 18 positibong kaso na ng coronavirus disease o COVID-19 sa Lalawigan ng Laguna dahil sa karagdagang dalawang kaso na inanunsyo kahapon, Marso 26, 2020.
Sa magkahiwalay na anunsyo sa kanilang mga opisyal na Facebook Page, kinumpirma kahapon ng Pamahalaang Lungsod ng Calamba ang ikalawang kaso at ng Pamahalaang Lungsod ng Sta. Rosa ang ika-pito namang kaso ng COVID-19 sa kanilang nasasakupan.
Inilabas ng Pamahalaang Lungsod ng Calamba ang mga detalye ng una at pangalawang pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 kung saan ang mga ito ay tinawag na CC P-1 at CC P-2.
Ayon sa pahayag, si CC P-1 na inanunsyong positibo noong nakaraang Marso 25 ay 45 taong gulang na lalaki na aniya ay residente ng Brgy. Canlubang.
Kasalukuyan siyang asymptomatic o hindi nagpapakita ng anumang sintomas kaya naman ito ay sumasailalim sa strict home quarantine.
Ang unang pasyente ay mayroong travel history sa ibang bansa.
Samantala, si CC P-2 naman ay isang 83 taong gulang na lalaking mula rin sa parehong barangay, kasalukuyang pinangangalagaan sa isang ospital, at walang anumang travel history.
Isinagawa na rin aniya ang contact tracing sa pangunguna ng City Health Office.
Nilinaw rin sa pahayag ng pamahalaang lungsod na walang relasyon si CC P-2 sa unang pasyente na si CC P-1.
Sa Lungsod ng Sta. Rosa naman, iniulat rin kahapon ng Pamahalaang Lungsod ang ikapitong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lugar.
Ang ikapitong pasyente aniya na tinawag na SR P-7 ay isang 32 taong gulang na babaeng mula sa isang subdivision sa Brgy. Don Jose na kasalukuyang nasa pangangalaga ng isang pribadong ospital at mayroong comorbidity o may iba pang karamdaman.
Nagsasagawa ng contact tracing upang matukoy ang mga nakasalamuha nito.
Siniguro naman ng pahalaang lungsod na bago pa man iniulat sa publiko ang ikapitong kaso ay naabisuhan na ang pamilya nito at sumailalim na ang buong pamilya sa quarantine.
May mga hakbang na ring ginawa upang malinis at ma-disinfect ang kanyang tirahan.
Patuloy namang humihiling ang dalawang Pamahalaang Lungsod ng pakikiisa at pagsunod ng mga mamamayang sa mga alituntunin sa kanilang komunidad, ganundin ang panananalangin para sa kagalingan ng mga pasyente at kaligtasan ng mga medical workers na nangangalaga sa mga ito. (Joy Gabrido)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1037320
0 Comments
Please note: Your comment may or may not appear immediately. Please do not submit it twice! Certain words may trigger a spam filtering delay. Please refrain from profanity; inappropriate comments may be deleted by the author's sole discretion.