LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Marso. 26 (PIA) – Nilagdaan na ni Punong Gobernador Humerlito “Bonz” Dolor ang Executive Order No. 27, Series of 2020 na nag-uutos sa pagsuot ng face mask o iba pang mga katulad na pantakip sa mukha kapag nasa labas ng bahay sa buong lalawigan ng Oriental Mindoro kasabay ng kasalukuyang direktiba na Enhanced Community Quarantine. Alinsunod ito sa pinakahuling paglilinaw ng Department of Health (DOH) na ang COVID-19 ay naisasalin sa pamamagitan ng droplets na nanggagaling sa bibig o ilong ng tao.
Upang maitaas pa ang paggpigil sa pagkalat ng COVID-19 pandemic, ang naturang kautusan ay isa pang paraan na makatutulong sa proteksyon ng mga mamamayan ng Oriental Mindoro bukod sa umiiral na social at physical distancing.
Ang Executive Order No. 27, Series of 2020 ay mahigpit rin na tagubilin ng Pamalaang Panlalawigan sa lahat ng empleyado ng pamahalaan, nasyunal man o lokal at sa mga pribadong establisimyento sa lalawigan na ang trabaho ay may kinalaman rin sa emergency frontline services, skeletal workforce para sa mga critical services at mga establisimyento na may kaugnayan sa paggawa ng pagkain at gamot, paghahanda at paghahatid ng pagkain, water refilling station, bangko, money remittance center, kuryente, tubig at telecommunications supplies at mga pasilidad nito, truck drivers at mga pahinante nito na kinakailangang may suot na face mask o anumang protective clothing habang nasa labas ng kanilang mga bahay at gumagampan ng kanilang mga tungkulin.
Samantala, ang mga kawani ng PNP, AFP, PCG, BFP at iba pang uniformed services ay inaatasang magsuot ng kumpletong uniporme na nagtataglay ng kanilang nameplate.
Ang mga kinatawan ng bawat pamilya na may Quarantine Pass ay inaatasaan ding magsuot ng face mask sa tuwing lalabas ng bahay upang bumili ng mga pangangailangan ng pamilya. Ang mga opisyal naman ng barangay ay inuutusang paalalahanan ang kanilang mga nasasakupan na magsuot ng face mask o anumang protective clothing na nagtatakip ng ilog at bibig sa tuwing ang mga ito’y lalabas ng bahay at ipaunawa ang kahalagahan ng pagsusuot nito ngayong panahon ng krisis ng COVID-19.
Ang atas ng nasabing Executive Order ay mabilisang tugon ng Pamahalaang Panlalawigan upang paalalahanan at bigyang diin na ang pandaigdigang suliranin na sanhi ng COVID-19 ay maaring maisalin ng isang tao sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan, pagbahin at pag-ubo na sa layo ng mula tatlo hanggang anim na talampakan. (LC/PIAMimaropa/Calapan)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1037148
0 Comments
Please note: Your comment may or may not appear immediately. Please do not submit it twice! Certain words may trigger a spam filtering delay. Please refrain from profanity; inappropriate comments may be deleted by the author's sole discretion.