SAN JOSE, Occidental Mindoro, Mar. 28 (PIA) -- Kinumpirma ng San Jose Municipal Health Office (MHO) na may isa nang kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bayang ito.
Ayon kay Dr. Enid Asuncion, opisyal ng MHO at tumatayong Incident Commander ng COVID-19 Incident Command System (ICS), nag-positibo sa pinangangambahang virus si OCM.PUI.76, ang 84 na taong gulang na Patient Under Investigation (PUI) na pumanaw sa San Jose District Hospital (SJDH) noong Linggo, ika-22 ng Marso.
Kwento ni Dr. Ma Teresa Tan, Provincial Health Officer, may travel history sa Metro Manila ang nasabing PUI na dinala sa SJDH dahil sa lagnat at hirap sa paghinga katanghalian ng nabanggit na petsa. “Kinunan siya ng specimen bandang hapon, subalit binawian din agad ng buhay pagkalipas ng halos 11 oras mula nang i-admit,” saad pa ng opisyal. Dakong alas 10:49 ng gabi nang ideklara itong nasawi at ang sanhi ay Acute Respiratory Disease Syndrome (ARDS) na ngayon, ani Dr. Tan ay kumpirmado ngang dulot ng COVID-19.
Tiniyak naman ni Dr. Asuncion na nakapagsagawa na sila ng contact tracing at sinabihan ang pamilya ng biktima, gayundin ang iba pang nakahalubilo nito na magsagawa ng 14 na araw na home quarantine. Ipinapayo rin ng Incident Commander na sakaling makaramdam ang mga ito ng alinman sa mga sintomas ng COVID-19, tulad ng hirap sa paghinga, pag-ubo, pagtatae at lagnat ay agad ipagbigay alam sa kanilang tanggapan.
Samantala, sa kabila ng pagkakaroon na ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa San Jose ay sinabi ni Mayor Romulo Festin na hindi kailangang i-lockdown ang nabanggit na bayan. Aniya, sapat na ang mahigpit na pagtalima ng mga San Joseño sa 24-hour curfew, at iba pang panuntunang nakapaloob sa Enhanced Community Quarantine (ECQ), bilang patunay na nauunawaan ng mga ito na ang COVID-19 ay seryosong banta sa buhay ng bawat isa. (VND/PIA MIMAROPA)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1037415
0 Comments
Please note: Your comment may or may not appear immediately. Please do not submit it twice! Certain words may trigger a spam filtering delay. Please refrain from profanity; inappropriate comments may be deleted by the author's sole discretion.