MIDSAYAP, Lalawigan ng Cotabato, Mar. 26 (PIA)—Pinangunahan ng mga batang lider ng Sangguniang Kabataan Municipal Federation (SKMF) sa bayan ang pagtulong sa mga health workers at iba pang frontliners laban sa banta ng coronavirus disease 2019.
Ito ay sa pamamagitan ng pamamahagi ng face masks, face shields, at personal protective equipment na sinimulan noong nakaraang linggo.
Ayon kay Mark Ferven Avance, presidente ng SKMF, ang libreng pamamahagi ng mga nabanggit na kagamitan ay isinasagawa sa tulong ng HIGALA, isang community-based volunteer group na naka-base sa bayan ng Midsayap.
Giit ni Avance, bunsod ng kakulangan ng mga PPE, prayoridad ng pamamahagi ang mga medical professionals at mga nagmamando sa mga checkpoint.
Nabatid na nagmula ang pondo ng mga ipinamamahaging kagamitan sa mga donasyon ng mga pribadong indibidwal at maging sa mga miyembro ng SKMF.
Sa kasalukuyan, abot na sa mahigit 300 face masks, 300 face shields, at 20 PPEs ang nagawa at naipamahagi ng SKMF at HIGALA sa bayan.
Nagpaabot naman ng kanyang pasasalamat si Avance sa lahat ng tumulong at tutulong pa sa kanilang adhikaing makiisa sa kampanya kontra COVID-19. (With reports from BautistaRR-Youth Development Officer, LGU- Midsayap)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1037206
0 Comments
Please note: Your comment may or may not appear immediately. Please do not submit it twice! Certain words may trigger a spam filtering delay. Please refrain from profanity; inappropriate comments may be deleted by the author's sole discretion.