PUERTO PRINCESA, Palawan, Mar. 20 (PIA) -- Sapat ang naka-imbak na bigas sa Palawan sa kabila ng krisis na kinakaharap ngayon ng buong mundo dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ito ang tiniyak ni Provincial Agriculturist Ariston Arzaga ng pamahalaang panlalawigan kahapon sa isang press conference sa Kapitolyo.
Ayon kay Arzaga, walang dapat ipangamba at hindi dapat mag-panic ang mga Palawenyo kung stock ng bigas ang pag-uusapan.
“Batay sa ating pakikipag-ugnayan sa National Food Authority (NFA)-Palawan, ang buffer stock ng lalawigan ay nasa 230,461 sako ng bigas at kung susumahin ay magtatagal ito ng 26 na araw base sa daily consumption ng Palawan na 8,840 sako ng bigas kada araw,” pahayag ni Arzaga.
Dagdag pa ni Arzaga na maliban sa NFA ay mayroon pang mapagkukunan ng bigas, ito ay mula sa mga local traders na aabot sa 20,357 sako ng bigas at 139,372 na sako naman ng palay na aabot ng 12 hanggang 13 araw. Sa kabuuan ay maaaring umabot pa ng hanggang 40 araw ang buffer stock ng lalawigan.
Ipinaliwanag pa ni Arzaga na ang Palawan ay mayroong 59,000 ektaryang sakahan, bagamat may mga nauna nang na-aning palay ay may natitira pang 30,000 ektaryang sakahan ang kasalukuyan pang ina-ani ng mga magsasaka ang kanilang tanim na palay.
Maaari rin aniyang makabili ng bigas sa NFA ang mga mamamayan ng Palawan at kawani ng pamahalaan subalit kailangan lamang na bumuo ng grupo na may 10 miyembro. Mabibili ito sa halagang P1,250 bawat sako ng bigas para sa mga kawani ng gobyerno at P1,350 naman sa pribadong grupo ngunit dapat na siguruhing ito ay para lamang pang-konsumo at hindi pang-negosyo.
Minomonitor din ni Arzaga at ng kanilang tanggapan katuwang ang mga Municipal Agriculture Offices at Provincial Agriculture Coordinators ang pagpasok ng mga imported rice sa lalawigan dahil sa umiiral na rice tarrification law. (OCJ/PIA-MIMAROPA)
source https://pia.gov.ph/news/articles/1036637
0 Comments
Please note: Your comment may or may not appear immediately. Please do not submit it twice! Certain words may trigger a spam filtering delay. Please refrain from profanity; inappropriate comments may be deleted by the author's sole discretion.