Ikatlong positibong kaso ng COVID-19 sa Laguna, kumpirmado

BAY, Laguna, Marso 23 (PIA) – Isa na namang pasyente ang kinumpirmang positibo sa COVID-19 ng Lungsod ng Sta. Rosa kagabi, Marso 22, na ikatlo na sa lungsod at sa buong Lalawigan ng Laguna.
 
Ang ikatlong pasyente na nagpositibo sa Coronavirus Disease o COVID-19 na itinalaga ng Lungsod ng Sta. Rosa bilang SR P-3 ay mula aniya sa isang subdivision sa Brgy. Balibago, ayon sa pahayag ng lokal na pamahalaan sa opisyal na facebook page nito.
 
Kasalukuyan na rin na nagsasagawa ng contact-tracing ang lokal na pamahalaan kasama ang Health Officials ng lungsod.
 
Matatandaan na ang mga naunang kaso ng COVID-19 sa naturang lungsod na sina SR P-1 at SR P-2 ay mula rin sa magkaibang subdivision na nasa Brgy. Macabling at Brgy. Tagapo naman.
 
Si SR P-2 na mula sa Brgy. Tagapo ay mayroon aniyang travel history mula sa bansang Japan.
 
Patuloy naman ang mga isinasagawang mga hakbang ng lungsod, sa pangunguna ni Mayor Arlene Arcillas, upang maiwasan ang pagkalat ng virus sa pamamagitan ng mahigpit na implementasyon ng Enhanced Community Quarantine.
 
Mayroon na ring mga probisyon gaya ng relief goods na inihahanda ang lungsod para sa mga pangangailangan ng mga mamamayan rito. (Joy Gabrido)



source https://pia.gov.ph/news/articles/1036898

Post a Comment

0 Comments